LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 5 (PIA) -- Tahasang sinabi ni Senator Win Gatchalian na dapat paigtinign pa ang mga patakaran sa online marketplace kaugnay ng pagbibigay ng proteksyon sa mga mamimili lalo na sa mga nabibiktima ng ilang mapagsamantalang online sellers.
Kasabay kasi ng pag-usbong ng mga negosyo sa online bunsod ng pagpapatupad ng lockdown sa bansa dahil sa pandemya ay ang pagdami din ng mga binebentang pekeng produckto, bagay na ikinababahala ni Gatchalian.
“Kailangang palakasin natin ang consumer protection sa ganitong panahon na halos sa online na ang pamimili ng karamihan at dumarami ang mga nagbebenta ng mga counterfeit items o pekeng produkto,” ayon kay Gatchalian, na nagsusulong ng Senate Bill No. 1591 o ang panukalang Internet Transactions Act.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang senador sa kawalan ng batas na magpaparusa laban sa mga mapanlinlang na online sellers.
“Dapat masolusyunan ito. Kung hindi mabawasan, ay mapigilan ang pagpasok sa ating merkado ng mga pekeng produkto o mga produkto na malaki ang pagkakaiba sa naiprisinta sa online market,” dagdag ni Gatchalian.
Aminado siya na hindi madaling matunton ang ibang online sellers dahil sa lawak ng merkado ng online business, na sinigundahan naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo.
Sa pinakahuling pagding sa senado, sinabi ni Castelo na walang sapat na panuntunan hinggil sa counterfeit items laban sa pagbebenta sa online. Dagdag pa ni Castelo na walang kakayanan sa ngayon ang DTI na mapanagot ang mga online sellers lalo na kung hindi sila rehistrado at walang anumang impormasyon para makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.
Sinabi ni Gatchalian na sa panukalang batas na Internet Transactions Act, maaring tugunan ng DTI ang anumang reklamong ipaaabot sa kanila ng mga kunsyumer lalo na kung rehistrado na ang lahat ng online sellers. Ayon kay Castelo, mahihirapan silang tugunan ang mga hinaing ng mga mamimili kung walang contact information o address man lang ang online seller.
Layon ng panukalang batas ni Gatchalian na magbuo ng isang e-commerce bureau, isang online one-stop shop na ahensya kung saan maidudulog ang mga reklamo ng mga namimili sa online market. Ito rin ay magsisilbing regulatory body sa online selling sa bansa.
Layon din ng naturang panukala na magbigay ng daan para sa mas maayos na pagtataguyod ng e-commerce sa bansa. (PIA NCR)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1055059
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.