
LUNGSOD CALOOCAN Agosto 15 (PIA) -- Nakapamahagi na ang Department of Social Welfare and Development–National Capital Region (DSWD-NCR) ng 2,000 food packs at sanitation kits sa mga taong may kapansanan o Persons with Disability (PWDs) sa Metro Manila.
Ayon sa DSWD-NCR, umabot na 2,000 family food packs at sanitation kits ang naipamahagi sa mga persons with disability o PWDs na naninirahan sa Metro Manila na nangangailangan ng tulong sa gitna ng pagpapatuloy ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa rehiyon.
Bahagi ito ng augmentation support ng ahensiya para sa mga lokal na pamahalaan sa kabila ng umiiral na mga lockdown kontra COVID-19.
Pinangunahan naman ni DSWD-NCR Regional Director Vicente Tomas ang pamamahagi ng naturang tulong sa pamamagitan ng isang simpleng programa nitong Biyernes sa kanilang tanggapan sa Maynila.
Kasabay ng pagpapaabot ng tulong ay ang pagdiriwang din kamakailan ng 42nd National Disability Prevention and Rehabilitation Week 2020. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Karapatan ng mga Taong may Kapansanan sa Panahon ng Pandemyang COVID-19, Proteksyunan! Tugunan!”
Samantala, patuloy ang DSWD-NCR sa pamamahagi ng relief assistance sa mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.
Magugunitang base sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, una ang mga local government units (LGUs) sa mga tumutugon at nagbibigay ng relief assistance sa mga apektadong residente tuwing may kalamidad katulad ng isang health emergency crisis.
Ang DSWD naman ay nagbibigay suporta sa mga LGUs sa pamamagitan ng pamamahagi ng karagdagang relief goods at iba pang ayuda na mula sa nasyunal na pamahalaan. (PIA-NCR)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1050361
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.