LUNGSOD CALOOCAN, Agosto 12 (PIA) --Muling magbubukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng karagdagang 15 ruta para sa tradisyonal na Public Utility Jeepneys (PUJs) oras na ibalik sa General Community Quarantine ang Metro Manila.
Matatandaang inaprubahan ng ahensya ang Memorandum Circular No. 2020-029A noong 31 Hulyo 2020 kung saan nakasaad ang mga karagdagang ruta na bubuksan para sa 968 traditional PUJ na nakatakda sana noong Agosto 5, 2020.
Subalit, dahil sa pagpapatupad ng MECQ sa Metro Manila noong Agosto 4, na tatagal hanggang Agosto 18, ipinagpaliban muna ang pagpapatupad nito.
Base sa MC 2020-029A, pwedeng bumiyahe ang mga tradisyonal na PUJs sa mga rutang nakasaad sa MC nang walang Special Permit.
Kapalit ng Special Permit ang QR Code na ibibigay sa bawat operator bago pumasada. Ang QR Code ay dapat naka-print sa short bond paper at naka-display sa PUJ unit. Maaari itong i-download QR Code mula sa website ng LTFRB na nasa link na ito: www.ltfrb.gov.ph/puj-service-mc-2020-029
Pinapaalala naman ng ahensya na walang taas-pasahe na ipapatupad maliban na lang kung may ianunsyo ang LTFRB. Sa ngayon, nasa P9.00 ang unang apat (4) na kilometro at P1.50 sa mga susunod na kilometro ang pasahe sa Traditional PUJ.
Bukod pa sa mga ito, kinakailangan na naka-register sa Land Transportation Office (LTO) ang PUJ unit bilang roadworthy o akma sa pagbiyahe sa kalsada, at mayroong valid Personal Passenger Insurance Policy.
Kabilang din sa mga requirements para mag-operate ang Traditional PUJs ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body temperature, pagsusuot ng face mask, pagtupad sa Social Distancing Guidelines, at ang pag-operate ng 50% maximum passenger capacity ng PUJ.
Dagdag pa riyan ang pagsunod sa utos ng Department of Transportation (DOTr) na pagsusuot ng face shield ng draybers, konduktor, at commuters sa mga pampublikong sasakyan na magiging epektibo mula 15 Agosto 2020.
Bubuksan ang mga sumusunod na ruta na kabilang na sa Annex A ng MC 2020-029A:
T115 Malabon - Monumento via Acacia
T116 Cielito- Novaliches via Zabarte
T117 Novaliches - Deparo via Susano
T118 SM Fairview - Lagro Subd. Loop
T119 Meycauayan, Bulacan - Bignay
T120 Pantranco - Project 8 via Roosevelt
T217 Forbes Park - Pasay Rd. via Ayala Commercial Center
T218 Pasig - Taguig via Maestrang Pinang, Tipas
T219 Marikina - Paenaan
T220 Katipunan - Marcos Ave/Tandang Sora
T347 Cabrera - Libertad
T348 Arroceros - Cubao via España
T349 Quiapo (Barbossa) - Santol, Sta. Mesa
T350 Dagat-dagatan - Delpan via Divisoria
T351 Quiapo - San Miguel via Palanca
Sakaling matuloy ang pagpapatupad ng mga bagong ruta, mahigpit ang paalala ng LTFRB sa mga drayber at operators ng mga tradisyunal na PUJs na sundin ang mga patakaran ng ahensya, kabilang ang mga health and safety protocols.
Ayon sa LTFRB, sinumang mahuli na lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa at multa, at maaaring tanggalan ng Certificate of Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (PA). (LTFRB/PIA-NCR)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1050128
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.