Tagalog News: Module ng mag-aaral na walang kakayahang mag-online learning, libreng ibibigay ng DepEd
BAY, Laguna, Hunyo 10 (PIA) – Nilinaw ni Principal Armin Cabrales ng Santa Cruz Elementary School ng bayan ng Sta. Cruz na libre lamang ibibigay ang mga modules na kailangan sa pag-aaral ng mga estudyanteng walang kakayahan mag-online learning.
Sa public address ni Mayor Edgar San Luis, nakapanayam niya ang naturang Principal na ipinaliwanag ang mga pagpipiliang learning delivery modalities para sa homeschooling at proseso ng remote enrolment ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang sa Senior High School.
“Kung ang mga magulang po ay may kakayahan na gumamit ng iba’t-ibang gadgets… may internet connection so online learning po at doon sa mga walang kakayahan ay modular po at lahat po ng modules ay ipro-provide ng DepEd at ito po ay hindi babayaran,” paliwanag ni Cabrales.
Binigyang-diin niya na walang anumang babayaran sa mga module na ipagkakaloob sa mga mag-aaral na hindi kayang sumailalim sa online learning o pag-aaral na gagamit ng teknolohiya at internet.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang lokal na pamahalaan ng Sta. Cruz sa dalawang Cable provider ng naturang bayan upang ipalabas ang programa ng DepEd kung saan tatalakayin ang mga aralin mula Kinder hanggang Grade 12.
Ayon kay Cabrales, ang 17 elementarya at limang sekondaryang paaralan sa bayan ng Sta. Cruz ay nagsasagawa na ng remote enrollment simula pa noong Hunyo 1 at magtatapos sa Hunyo 31.
Kailangang sagutan ang Learner’s Enrolment and Survey Form sa link na ipapadala sa mga magulang sa online na pamamaraan.
Sa ikatlong Linggo naman ng Hunyo ay maaaring pisikal na mag-enroll sa kanya-kanyang barangay o kaya ay sa mismong paaralan kung saan maglalagay ng kiosk para makapagsagot ng nasabing Learner’s Enrolment and Survey Form.
Bawat paaralan aniya ay mayroong school focal person para sa mga Balik-Aral o tumigil nang nakaraang academic year at gustong bumalik sa pag-aaral, ganundin para sa mga transferee mula sa ibang paaralan.
Ang bawat grade level ay mayroon rin aniyang itinalagang focal person sa bawat pampublikong paaralan.
Sinabi naman ni Principal Asher Pasco ng Laguna Senior High School na sumasailalim na sa pagsasanay ang mga guro upang maging handa at matutuhan ang mga tamang pamamaraan ng online na pagtuturo.
“Ang ating DepEd family katulong po ang ating municipal government, sa pangunguna po ng ating butihing Mayor, ay nagtutulungan upang ang lahat po ng pamamaraan na pwede natin itulong sa mga magulang at mag-aaral ay maipagkaloob po natin upang ang pag-aaral po ng ating mga anak ay tuluy-tuloy,” pahayag ni Pasco.
Aniya sa kabila ng nararanasang pagsubok sa panahon ngayon dahil sa banta ng COVID-19, ang pag-aaral at pagkatuto ay magpapatuloy sa tulong ng DepEd at ng lokal na pamahalaan. (Joy Gabrido/PIA4A)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044288
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.