LUNGSOD NG ANGELES, Hunyo 12 (PIA) -- Hinikayat ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang mga Kapampangan na magbayanihan sa gitna ng nararanasang krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19.
Sa isang panayam kaugnay ng selebrasyon ng ika-122 anibersaryo ng deklarasyon ng Kalayaan ng bansa, sinabi ni Museum of Philippine Social History o MPSH curator Bettina Arriola na kabilang sa mga pamamaraan ng pagbabayanihan ang pakikilahok sa mga relief drive upang makatulong sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya.
Dapat din aniyang suportahan ang mga lokal na negosyo upang makabawi at mapalagong muli ang lokal na ekonomiya.

At pinakaimportante, kailangan ang kooperasyon ng bawat isa sa pagsunod sa mga minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay at pagtalima sa physical distancing upang tuluyan nang mapuksa ng bansa ang COVID-19.
Samantala, naging simple ang naging pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa MPSH na naka-angkla sa temang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagbabayanihan, at Ligtas.”
Ani Arriola, nagbibigay pugay ang bansa ngayong araw sa mga frontliners kabilang na ang mga healthcare workers at mga nasa unipormadong hanay bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, alaga at proteksyon kung saan handa nilang ialay ang kanilang buhay upang manatili tayong ligtas. (CLJD-PIA 3)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044627
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.