Tagalog News: Laguna suportado ang pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon sa pagbabalik-trabaho
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Hunyo 10 (PIA)-- Sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang paggamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon ng mga residenteng magbabalik sa trabaho na apektado dulot ng limitadong operasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Matapos ang isang linggo mula nang isailalim sa General Community Quarantine o GCQ ang lalawigan ng Laguna ay nananatili pa ring limitado ang mga pampublikong sasakyan na pinayagan magbalik operasyon kaya naman bilang transportasyon ay maaaring gumamit ng mga bisikleta upang mas mapadali ang pagpasok sa trabaho.
Ayon sa pahayag ni Laguna Governor Ramil Hernandez sa kaniyang official Facebook page, batid niya ang mga hinaing ng mga nasasakupan kaugnay ng patuloy na umiiral na travel ban sa buong lalawigan ngunit nakabatay pa rin ang paglilimita sa mga pampublikong transportasyon base sa rekomendasyon at panuntunan na ibinaba ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Transportation (DOTr).
“Batid ko po ang inyong mga hinaing tungkol dito, at tayo po ay kumikilos na upang mabigyan ito ng solusyon.” Ani Gov. Hernandez.
Kaugnay nito ay nagbigay ng mga bike safety tips sa publiko si Gov. Hernandez upang mapanatili ang kaligtasan sa pagbibisikleta katulad na lamang ng pagsiguro na maayos ang preno, nasa wastong kondisyon ang kadena, ugaliin ang magdala ng alien keys at tool kit, maglagay ng bike light at parating tignan ang mga gulong.
Gayundin, pinapaalalahanan rin na magsuot ng mga safety gears gaya ng helmet, shades o eyes shield, face masks at pagsusuot ng matingkad na kulay ng damit upang masiguro na madaling makita sa daan upang maiwasan ang mga hindi inaasahang aksidente.
Importante rin ang pananatili sa ligtas na bahagi ng kalsada, pag-iwas sa counterflow at siguraduhin na hindi gumagamit ng earphones o anumang bagay na maaaring magdulot ng disgrasya habang nagbibisikleta. (CO/PIA4A)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044268
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.