
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hun. 14 (PIA) -- Isang simpleng pagdiriwang ng ika-122 ‘Araw ng Kalayaan’ ang ginanap sa City Hall Complex, Brgy. Guinobatan noong Hunyo 12, na dinaluhan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Calapan.
Dumalo sa nasabing selebrasyon sina Mayor Arnan C. Panaligan at Vice Mayor Gil G. Ramirez. Kasama din ang department heads, mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod, ilang pinuno ng mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal, Calapan Philippine Nationa Police (PNP) at Calapan Bureau of Fire Protection (BFP), na nagpatupad din ng physical distancing.
Inumpisahan ang programa 8:00 a.m. sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa harap ng city hall at pagkatapos nagtalumpati ang pinunong kinatawan ng ehekutibo at lehislatibo.
Sa mensahe ng punong lungsod, kanyang binigyang-diin ang nagawa ng mga kasalukuyang bayani sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19 na may kahalintulad sa mga bayaning lumaban sa panahon ng himagsikan at digmaan.
Aniya, “Ang kalayaang ating tinatamasa ngayon ay natamo sa pamamagitan ng dugo at pawis ng ating mga bayani sa isang himagsikan kung saan ibinuwis ang kanilang buhay. inialay ang sarili upang maitatag ang isang bansang may kasarinlan.”
“Sa pagkakataong ito, bigyan natin ng parangal ang mga bagong bayani na tiniyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa gitna ng banta ng COVID-19. Sila ang mga bagong bayani na umusbong sa panahon ng krisis ng pandemya upang magbigay ng tunay na paglilingkod sa ating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.
Ipinunto ni Panaligan bilang mga bayani sa kasalukuyang panahon ang mga frontliners na humarap sa hamon at peligro ng kanilang buhay upang gawin ang sinumpaang tungkulin tulad ng mga health workers, paramedics, social workers, relief workers, pulis, sundalo, opisyales ng barangay, mga volunteer workers, na ang ilan sa kanila ay namatay sa pagseserbisyo habang ang iba’y patuloy na lumalaban sa sakit na dulot ng virus. Kasama na rin aniya dito ang pagpaparangal sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa patuloy na produksiyon ng pagkain para sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
Kinilala din ng punong lungsod ang aniya'y napakamahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan. Ang mga pamahalaang lokal tulad ng pamahalaang lungsod ay isa din maituturing na frontliner. Sila anya ang nagbigay ayuda ng mga pagkain, gamot, tulong pinansiyal at iba pang mga pang-alalay sa mga tao. Ang mga pamahalaan din ito ang nagpatupad ng mga batas at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan. Masasabi din aniya na sa antas ng mga pamahalaang lokal naganap ang digmaan laban sa pagkalat ng COVID-19.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang punong ehekutibo dahil sa tuwing ipinagdiriwang ang araw ng kalayaan ay nagsasagawa ng parada at ilang programa ang pamahalaang lungsod sa pinaka-kabisera. Dahil aniya sa ipinatutupad na physical distancing at pagbabawal sa mga malakihang pagtitipon, pansamantala munang sinuspindi ang ganitong mga aktibidad upang maiwasan ang pagkahawaan.
Sa huli, “upang ang kalayaan ay palaging mapanatili, maipag-laban at mapagyaman, kailangan natin ng mga mamumuno sa pamahalaan na may taglay ng sapat na kakayahan, karanasan, katapatan, integridad at may pananaw kung saan ituturo ang ating bansa sa tamang direksiyon. Mangyayari ito kung ang mga mamamayan din ay magiging matalino sa pagpili ng mga taong manunungkulan sa kanila,” pagtatapos ni Panaligan. (DPCN/PIA-OrMin)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044708
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.