PANGASINAN, Hunyo 10 (PIA) - Pitumpong porsyente ng mga lokal na pamahalaan na nabigyan ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno ay nakapagsumite na ng liquidation report.
Ito ang pahayag ni Secretary Rolando Bautista ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang Laging Handa Network Briefing, ngayong Miyerkules ng umaga.
Ani Bautista, mayroong 1,101 sa 1,550 na lokal na pamahalaan o 71 porsyento ay nakapagpasa na ng full liquidation report samantalang ang nakapagsumite naman ng partial liquidation report ay umabot na sa 223 na mga bayan at lungsod.
“Mahalaga ang pagsusumite ng liquidation report dahil ito ang magiging basehan ng pagbibigay ng second tranche na ayuda mula sa gobyerno,” Ani Bautista sa naturang network briefing na pinangunahan ni Communications Secretary Martin Andanar.
Sinabi ni Bautista na tuloy-tuloy pa rin ang validation ng kanilang field offices at mayroon nang 99.8-bilyong piso ang naipamahagi sa 17.64 milyong Pilipino.
Pinahayag din ni Bautista na mayrong 3,723 na benepisyaryong nagsauli o nagbalik ng kanilang natanggap na ayuda na umabot sa halagang 20.3- milyong piso dahil sa nadoble na ang pagtanggap ng mga ito ng ayuda mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Paliwanag ng Kalihim, mayroong mga iba pang ahensya ng gobyenro na nagbibigay ng ayuda tulad ng Department of Labor and Employment, Agriculture at Finance kaya marami ang nag-sauli ng tulong mula sa SAP ng DSWD.
“Lahat ng mga un-utilized funds na ibinalik ng LGU ay ida-dagdag sa second tranche ng pondong ibibigay. Ang proseso, kung saang rehiyon ang nagbalik ay doon din ibibigay,” paliwanag ni Bautista.
Iginiit din ng Kalihim na kung may mga katanungan ukol sa mga karapat-dapat makakuha ng ayuda ngunit hindi nakatanggap ay dumulog sa pinakamalapit na DSWD regional office sa kanilang lugar.
Ang Network Briefing ay inorganisa ng Philippine Information Agency at isinahimpapawid ng Philippine Broadcasting Service. Kasama sa naturang June 10 episode sina Governor Mathew Marcos Manotoc ng Ilocos Norte, Sanggniang Kabataan Federation President ng Dagupan City na si Joshua Bugayong at dalawang mamamahayag sa Rehiyon Uno. (JCR/VHS/PIA-Pangasinan)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044370
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.