
ODIONGAN, Romblon, Hun. 12 (PIA) -- Apat na manggagawa sa bayan ng San Jose, Romblon ang nagpositibo sa Rapid Diagnostic Testing (RDT) na isinagawa kahapon sa 123 na manggagawa ng isla bilang bahagi ng 'Return to Work Protocol' ng bayan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng San Jose Rural Health Unit (RHU) at ni Mayor Ronnie Samson, ang apat na nagpositibo sa RDT ay kasalukuyang naka-isolate na at sasailalim sa confirmatory swab test sa susunod na araw.
Bagama't nagpositibo sa RDT, hindi nangangahulugan na ang apat ay pasok na sa talaan ng Department of Health dahil ayon sa ahensya ang mga magpopositibo sa RDT ay kailangan pang dumaan sa confirmatory testing para mapatunayan kung ito nga ba ay talagang coronavirus disease 2019 o Covid-19.
"Mananatili sila sa isolation hangga't hindi lumalabas ang resulta ng confirmatory test mula sa Research Institute for Tropical Medicine," ayon sa pahayag ng San Jose RHU sa kanilang opisyal na Facebook Page.
Ang apat na manggagawa na mula sa Barangay Busay at Pinamihagan ay pawang mga asymptomatic, o walang pinapakitang anumang sintomas ng Covid-19.
Hiniling naman ni Mayor Samson sa publiko na huwang mabahala at ipagdasal na lang na maging negatibo ang resulta ng swab test sa apat na manggagagawa.
Pinayuhan rin nito ang lahat na maging maingat sa sarili, lalo na tuwing lalabas ng bahay o pupunta sa lugar na maraming tao. Ugaliin ang pagsusuot ng face masks, at ang pagkakaroon ng physical distancing mula sa ibang tao. (PJF/PIA-Mimaropa)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044558
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.