LUNGSOD CALOOCAN, June 10 (PIA) -- Sa umiiral na general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat magtatag ng quick response teams (QRTs) ang mga local government units (LGUs) na magpapataw ng localized lockdown sa mga pamayanang nasasakupan nila na siyang magsasagawa ng "test-trace-treat strategy" laban sa COVID-19 sa mga lugar na isasailalim sa lockdown.
"Sa pagpapataw ng mga localized lockdowns sa mga piling lugar sa kanilang nasasakupan, dapat iorganisa na ng mga LGUs ang kanilang mga QRTs na siyang magpapabilis at maisasaayos ang pamamahala ng sitwasyon ng COVID-19 sa mga lugar na iyon," pahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año.
Ani pa ni Año na habang binigyan ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang mga LGUs ng kapangyarihan na magpataw ng localized lockdowns, ang pagpapataw ay may kaakibat na responsibilidad na ipatupad ang istratehiya upang mapigilan ang paglaganap ng sakit sa mga lugar ng lockdown at para na din maipatupad ang social amelioration upang mapaginhawa ang kondisyon ng mga naapektuhan.
“Ang pagpapataw ng localized lockdown ay may kaukulang responsibilidad. Dapat handa ang mga LGUs na ipatupad ang mahigpit na health protocols, agresibong pagsasagawa ng contact tracing, testing at isolation para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga lugar ng lockdown,” dagdag niya.
Kabilang sa QRTs na dapat iorganisa ay ang mga sumusunod: Health Promotion and Prevention Team (para sa syndromic surveillance); Disinfection Teams; Swabbing Teams; Contact Tracing Teams; Medical Evacuation Teams; Law and Order Teams; Barangay Health Emergency Response Team (BHERTS) and Social Amelioration/ Support Teams. Ang mga nasabing pangkat ay dapat nakaposte sa Municipal / City Level Emergency Operations Center (EOC).
Ang bawat LGU ay dapat ring magkaroon ng datos ng populasyon, bilang ng barangay, population density sa bawat barangay, quarantine facilities, treatment facilities, mapping of cases, syndrome surveillance, at mga testing kits bagod simulan ang pagpapatupad ng localized lockdown.
Ayon sa Section 2 ng Executive Order 112 na inilabas ng Tanggapan ng Pangulo, pinahihintulutan ang mga gobernador ng probinsya na magpataw, ipahinto o magpalawig ng community quarantine sa mga component cities at mga munisipyo, habang ang mga alkalde ay may katulad na kapangyarihan na maaari namang gamitin para sa mga barangay.
Sinabi niya na ang mga gobernador ng probinsya ay may kapangyarihan na magpahayag ng localized lockdowns sa mga lungsod at munisipyo ng probinsiya sa mga lugar na may 10 o higit pang bagong kumpol ng mga kaso, isang pagdagsa ng mga bagong sporadic cases sa huling 14 araw, at pagkakaroon ng suspected at probable cases.
Sa kabilang banda, ang mga alkalde ng lungsod/munisipyo ay maaaring magpatupad ng mga localized lockdowns sa mga gusali, mga business establishment, pamilihan, lansangan, at mga kanto kung mayroong paunang bilang ng mga kaso na natukoy at pagsasama ng mga kaso; sa mga subdibisyon, mga purok, barangay na may dalawa o higit pang kaso sa loob ng pitong araw at pagkakaroon ng suspected and probable cases; at sa mga kumpol ng barangay at distrito kung mayroong dalawa o higit pang kumpol ng mga bagong kaso at pagkakaroon ng suspected and probable cases.
“Ang mga ganitong pagpapasya ay dapat sinang-ayunan ng regional IATF. Ibig sabihin, ang alkalde ay dapat sumangguni muna sa RIATF bago magpataw ng localized lockdown,” aniya.
Sinabi ng pinuno ng DILG na hindi kakayanin ng bansa ngayon na ilagay muli ang isang rehiiyon sa ilalim ng ECQ sapagkat “kailangang manimbang ng pamahalaan sa pagitan ng pagpigil at pag-iwas sa pagkalat ng Covid-19 at sa pagpapagaan sa mga epektong social, economic at security bunsod ng krisis. Ang ating paraan sa ngayon ay ang localized at surgical lockdowns habang hindi pa natin napapatag ang kurba,” aniya.
“Nais natin ang mga local government units (LGUs) ang manguna at magampanan ang mas malaking responsibilidad sa paglaban sa Covid-19 dahil mas masusuri nila ang mga umiiral na kondisyon sa kani-kanilang mga lugar at nabigyan na sila ng sapat na financial resources mula sa pambasang pamahalaan,” sabi ni Año.
source https://pia.gov.ph/news/articles/1044377
Comments
Post a Comment
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.